Ha ha ha ha!
Natatawa talaga ako sa mga bata na umaawit sa isang daycare sa harap ng waiting shed na may pangalang Mayor Virgilio Felipe III na
nagsisilbing tirahan ko. Tuwing umaga nila ito inaawit, at dahil koro,
naririnig ko ang kanilang mga wala-sa-tonong mga tinig. Ito na rin ang
gumigising sa akin araw-araw, maliban na lamang tuwing sabado at linggo dahil
wala ang mga bata sa paaralang ito.
Pagkatapos ng mga awiting pambata ay katapusan na rin ng
aking kasiyahan. Tahimik na muli ang silid na puno ng makukulay na mga larawan
at mga malalaking titik at bilang na may mga mata at bibig na mistulang
nagsasalita at nakikipag-usap sa mga walang muwang na mga bata. Hindi ba sila
natatakot? Darating ang panahon na ang mga titik at bilang na ito ang kakain at
lulunok sa mga bibong bata at ito na rin
ang magpapaikot ng mundo. Sila nga lang naman ang nagpapaikot ng mundo! Ang mga
simbolo na inalagaan natin at inalam, ang binasa natin at isinulat. Ang mga
titik at bilang na nagbigay sa ating ng karunungan!
Tahimik na muli ang silid. Ngunit maraming nangyayari sa
aking isip. Sumisigaw! Maingay! Magulo! Nangangagat! Umaangat! Nagwawala!
Nawawala! Madilim! Matalim! Mapait! Hindi mabait! Ano itong nasa loob ng utak
ko! Nabibingi ako sa mga sinasabi nila! Kailangan ko bang tumawa? Umiyak?
Magalit? Lunumdag sa saya? Maghinagpis? Nais ko ng katahimikan! May bumubulong
na tumawa ako, at ako ay natatawa na!
Ha ha ha ha!
Gusto kong labanan kung sino man itong tagapagbulong ng kasiyahan.
Kailangan kong magseryoso at may biglang bubulong sa akin na kailangan kong
lumagay sa katahimikan. Tahimik. Umupo ako sa sahig ng aking Mayor Virgilio
Felipe III.
Noong wala pang bumubulabog sa aking kaisipan, nakatira ako
sa isang munting bahay kubo. Dahil mahilig magtanim si nanay at tatay, maraming
mga halaman at gulay sa aming bakuran. May singkamas, talong, sigarilyas, mani,
sitaw, bataw, patani, kundol, patola, upo, kalabasa, labanos, mustasa, sibuyas,
kamatis, bawang, luya, at sa paligid ay mga halaman ng linga. Sagana kami sa
gulay kaya ang pang-araw-araw naming ulam ay gulay. Hindi lang gulay ang
nakatanim sa aming bakuran. Mayroon ding mga puno na nagbibigay prutas. Mangga,
santol, kamias, atis at marami pang iba.
Magtatakipsilim noon ng inutusan ako ng aking tatay na
pumitas ng papaya na magsisilbing panghimagas sa aming hapunan na sinabawang
upo at ginataang sitaw. Dahil malapit na ang dilim, kinailangan kong bilisan sa
pagkuha ng papaya. Nasa bandang dulo kasi ito ng aming bakuran at medyo may kalayuan.
Naalala ko rin ang kwento ni nanay na may mga nakatirang malalaking ibon sa mga
punongkahoy at naggigising lang ito tuwing mag-aala-sais ng gabi. Kasinlaki ko
raw ito at kaya raw ako nitong kainin.
“Juan, ang tawag sa kanila ay mga tsikading. Malalapad ang
kanilang mga pakpak at mahahaba ang tuka. Sila ay nakadapo sa mga sanga at
tuwing gabi, ang mga malalaki nilang mata ay magmumulat at sila’y lilipad para
mangalap ng mga makakaing bata na tulad mo.”
Lalo pang dumilim ang kalangitan. Binilisan ko ang aking
paglalakad. Hindi ko na pinansin ang aking tinatahak. Natapakan ko ang mga tanim
nina nanay at tatay. Dala ko ang buslo na sisidlan ng bunga. Matapos ang ilang
hakbang ay natunton ko na rin ang puno ng papaya. Sa loob ng kadiliman,
kailangan kong umakyat ng puno para lang magkaroon ng panghimagas. Nagmadali
akong umakyat ng puno ng papaya. Sa bandang kalagitnaan ng katawan ng puno, na
akap-akap ko ng mahigpit, nakarinig ako ng huni ng ibon. Binilisan ko pa ang
pag-akyat na para bang nagpapalo-sebo. Pagdating sa dulo, umalalay ako sa isang
sanga nito at sa wakas, abot-kamay ko na ang bunga. Nakikipagtagisan ako laban
sa dilim at sa takot. Maya-maya, umiyak ng pagkalakas-lakas ang isang ibon na
hindi ko alam kung saan nanggaling at lumilipad
ito ng paikot-ikot sa puno ng
papaya kung saan ako naroroon. Dahil sa takot ay minadali kong pitasin ang
papaya ngunit hindi ito matanggal-tanggal sa puno. Habang niyuyugyog ko ang
puno para matanggal ang bunga, biglang naputol ang sanga kung saan ang aking
kanang kamay ay nakaalalay. Nahulog ako at lumagapak sa lupa. Tumakbo ako
pabalik ng kubo habang sumisigaw.
“Nanay! Tatay! Ang tsikading!”
Sinalubong ako ng aking magulang sa pintuan.
“Juan, bakit ka ba kumakaripas sa pagtakbo?” Tinanong ako ni
nanay.
“Bakit wala kang dalang papaya? Asan na ang buslo?”
Nakakunot ang mukha ni tatay.
Pinagalitan ako. Hindi raw totoo ang tsikading. Isang
kasinungalingan ang kwento ng aking nanay tungkol sa mga tsikading sa mga sanga
ng mga puno. Bakit ba kasi kailangang gaguhin ang mga batang tulad ko sa isang
kwento na hindi naman pala totoo? Napahamak ako dahil sa mga ginagawa nilang
alamat.
Bali ang aking kanang braso. Kinakailangan nitong lagyan ng
benda para gumaling. Nagpapakulo rin si nanay ng halamang gamot at idinadampi
ito sa aking namamagang braso. Kinabukasan ay nagsimba kami. Pagkatapos ng misa
ay pumunta kami sa poon ng Nazareno sa may altar. Ipagdadasal daw ni nanay na sana
ay gumaling ang aking baling braso. Hinaplos niya ang kanang braso ng poon at
pumikit para magdasal. Pagkatapos ay hinaplos niya rin ang aking baling braso.
Sa ganitong paraan daw, maipapasa sa akin ang kapangyarihan para ito’y
gumaling.
“Kung gayon nanay, haplusin lang natin ng haplusin ang braso
ng Nazareno!”
“Tumigil ka sa iyong kalokohan, Juan! Sagrado ang mahal na
poon, hindi dapat ito pinaglalaruan.” Hindi ko talaga maintindihan si nanay.
Una, ang tsikading, ngayon naman, ang kapangyarihan ng poon.
Lumabas ako ng
simbahan. Maraming nagtitinda ng mga kung ano-ano. Kandila, rosaryo, pamaypay, mga
pagkain tulad ng sorbetes, nilagang itlog ng pugo, tsitsaron, puto at suman, at
mga laruan tulad ng mga de-hilang kabayo at mga makukulay na lobo. Nais kong
magkaroon ng lobo at ipapainggit ko sa aking kuya at ate. Dali-dali akong
bumalik sa loob ng simbahan upang humingi ng kaunting barya sa aking nanay na
taimtim na nagdadasal sa may sakramento. Binulungan ko siya na hihingi ako ng
panghulog para sa “donasyon para sa
simbahan”. Binigyan ako ng sampung piso. Lumabas ako ng simbahan at pumunta
sa mamang manlolobo.
“gusto ko po iyong pulang lobo!” iniabot ko ang sampung piso
sa kanya. Kapalit nama’y ang pulang lobo na dahan-dahang iniabot sa akin at ang
ipinang-abot ko ay ang aking baling kanang kamay. Dahil naiunat ko ito ng hindi
sinasadya, para bang kinidlatan ako sa sakit at nabitawan ko ang lobo na iniabot
sa akin. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi na rin naabot ng mama ang
pulang lobo. Patuloy na itong lumipad patungong langit. Habang lumalayo, paliit
ng paliit ang lobo. Parang puputok ang aking puso sa sobrang panghihinayang at
lungkot. Naging donasyon para sa mga anghel ang aking pulang lobo. Nasayang ang
sampung piso na dapat ay ihuhulog ko para sa simbahan. Kung sa pagkain na lang
sana ko iyon iginastos, siguro ay nabusog pa ako.
Hu hu hu hu!
“Hoy, baliw! Umiiyak ka na naman! Gutom ka na ba? Ito o
tinapay at kape!” Kinuha ko ang ibinibigay sa akin na pagkain ng isang trycicle drayber. Uwian na ng mga
mag-aaral kaya nakatambay na muli ang mga namamasada dito sa may kaharian ko.
“Hindi ako baliw, ha! Huwag niyo akong sasabihang baliw! May
bumubulong lang sa akin kaya ganito ako. O, ayan, may bumubulong ulit… ano?
Huh? Sandali, hindi ko maintindihan…”
“Ha ha ha! Kumain ka na Juan! Hindi na mainit iyang kape! Ha
ha ha! Bakit ba kasi hindi na lang dalhin sa mental itong si Juan.”
“Boy, ilang beses na iyan dinala pero pumipilit na lumabas.
Siguro rin, kaya basta na lang pinalabas kasi wala naman pang-sustento sa
ospital.”
“E, yung munisipyo ‘di ba ang nagpadala sa kanya noon sa
ospital?”
“Iyon na nga ang problema, e. Nagpakitang-gilas lang naman
noon si Mayor Virgel kaya siguro ipinadala si Juan sa mental. Mag-eeleksyon
kaya noon! O sige, boy. Nandito na ang
anak ko. Alis na muna kami. Oy, Juan, magpakabusog ka! Ha ha ha!”
“Salamat sa tinapay at kape Edgar.” Pinaandar niya ang
kanyang tricycle at umalis kasama ang
kanyang anak na nag-aaral sa daycare.
Ang sarap ng tinapay at kape na ibinigay sa akin ni Edgar. Naalala ko tuloy
noon, dahil sawa na kami sa gulay ng aming magkakapatid, humingi ako ng pambili
ng tinapay sa aking tatay. Binigyan niya ako ng limang piso at tumakbo ako sa
isang panaderya. Bumili ako ng pandesal na mainit at bumalik ako ng bahay.
Nagtimpla ako ng kape at sinawsaw ko ang mainit na pandesal sa mainit na kape.
Nakita ako ng aking nanay.
“Juan! Bakit ka nagkakape!”
“Araaay! Araaay ko po nanay!” Piningot ako ng aking nanay
dahil lang sa pagkakape.
“Ilang beses ko ba sa iyo sasabihin na bawal ang kape sa mga
bata! Gusto mo bang hindi ka makatulog at mamatay dahil hindi ka nakatutulog?
Pasaway kang bata ka! Pumasok ka sa iyong kwarto.”
“Pero nanay, gusto ko lang po na matikman ang kape…”
“Sumasagot ka na, Juan! Sinabi kong pumasok ka sa kwarto!
Lahat ng sinasabi ko ay susundin mo Juan. Magsimula ngayon, hindi ka lalabas ng
kwarto!”
Hindi nga ako lumabas ng kwarto. Kaunting pagkakamali sa
aming munting bahay-kubo ay pingot ang kahahantungan. Maraming bawal, maraming
hindi pwedeng gawin. Nabuhay ako sa tahanan ng babaeng diktador.
Hindi ako lumabas ng kwarto. Sa tuwing kakain, hindi pa rin
ako lumalabas. Taggutom kung taggutom. Isang araw, may dumapong ibon sa may
bintana ng aking kwarto. Dahan-dahan kong kinuha ang aking tirador. Tiningnan
kong mabuti ang ibon, hindi ito tsikading. Kumuha ako ng jolen sa bulsa para
magsilbing bala sa tirador. Iniunat ko ang goma nito at minatang mabuti ang
ibon, sabay bitaw sa jolen. Mabilis na tinamaan ang ibon at nahulog ito sa
labas ng bintana. Lumabas ako ng bahay at pinulot ang patay na ibon. Sa wakas,
may uulamin ako ngayong araw na hindi gulay. Pinakuluan ko ang ibon at
tinanggalan ng balahibo. Pinakuluan ko ulit at nilagyan ng pampalasa. Niluto ko
ito. Adobong ibon!
Ha ha ha ha!
Adobong ibon! Ha ha ha! Mas baliw pala ako noong bata pa ako
kaysa ngayon. Hindi. Hindi pala ako baliw. Hindi ako baliw! Bakit ba
sinasabihan ko ang sarili ko na baliw? Hindi ako baliw! May mga bumubulong lang
sa utak ko, pero hindi ako baliw! Saan ba kasi galing ang mga bumubulong sa
utak ko? Ayan, bumubulong na naman sila. Hindi ko maintindihan. Ano? Huh?
Sumisigaw na sila. Maingay na naman! Magulo! Nagwawala! Nawawala! Madilim!
Matalim! Mapait! Hindi mabait!
Hu hu hu!
Tulog ako nang mangyari ang lahat. Hindi ko alam kung bakit
nangyari iyon. Lumabas ako ng kwarto. Magulo ang munting bahay-kubo namin.
Impyerno.
“Nanay? Tatay?”
Hinanap ko sila sa loob ng bahay. Wala sila.
“Ate? Kuya? Asan kayo?”
Wala rin ang aking mga kapatid. Lumabas ako ng bahay.
Madilim. Umihip ang malamig na hangin.
“Nanay! Tatay! Ate! Kuya!”
Hinanap ko sila sa malawak naming bakurang puno ng mga
halaman. Ang tangi ko lang na naririnig ay mga insektong nakaririndi na sa
tainga. Maya-maya pa, may naapakan ako. Sigurado ako na hindi ito gulay o
halaman. May naamoy akong malansang amoy. Tiningnan ko ito at nagulat ako sa
aking nakita. Kamay. Mas nagulat ako nang makita ko ang mga walang-malay na
katawan nina nanay, tatay, ate, at kuya. Duguan silang lahat sa ilalim na
madilim na kalangitan. Sa bandang puso ni itay, may nakasaksak na kutsilyo.
Hindi ko alam ang nangyari. Wala ako sa mga pangyayari. Bakit ito nangyari?
Sino ang pumatay sa aking pamilya? Hindi ko alam ang aking gagawin. Tumakbo ako
sa dilim. Tumakbo ako ng tumakbo hanggang hindi ko na makita ang aking sarili.
“Langit, lupa,
impyerno. im-im-impyerno. Saksak, puso, tulo ang dugo. Patay, buhay, alis ka na
riyan sa puwesto mong mabaho!”
Ha ha ha ha!