Monday, July 23, 2012

Mga Awit ng isang Buang

Mga Awit ng Isang Buang | berns brijuega

Ha ha ha ha!

Natatawa talaga ako sa mga bata na umaawit sa isang daycare sa harap ng waiting shed na may pangalang Mayor Virgilio Felipe III na nagsisilbing tirahan ko. Tuwing umaga nila ito inaawit, at dahil koro, naririnig ko ang kanilang mga wala-sa-tonong mga tinig. Ito na rin ang gumigising sa akin araw-araw, maliban na lamang tuwing sabado at linggo dahil wala ang mga bata sa paaralang ito.

Pagkatapos ng mga awiting pambata ay katapusan na rin ng aking kasiyahan. Tahimik na muli ang silid na puno ng makukulay na mga larawan at mga malalaking titik at bilang na may mga mata at bibig na mistulang nagsasalita at nakikipag-usap sa mga walang muwang na mga bata. Hindi ba sila natatakot? Darating ang panahon na ang mga titik at bilang na ito ang kakain at lulunok sa mga bibong bata  at ito na rin ang magpapaikot ng mundo. Sila nga lang naman ang nagpapaikot ng mundo! Ang mga simbolo na inalagaan natin at inalam, ang binasa natin at isinulat. Ang mga titik at bilang na nagbigay sa ating ng karunungan!

Tahimik na muli ang silid. Ngunit maraming nangyayari sa aking isip. Sumisigaw! Maingay! Magulo! Nangangagat! Umaangat! Nagwawala! Nawawala! Madilim! Matalim! Mapait! Hindi mabait! Ano itong nasa loob ng utak ko! Nabibingi ako sa mga sinasabi nila! Kailangan ko bang tumawa? Umiyak? Magalit? Lunumdag sa saya? Maghinagpis? Nais ko ng katahimikan! May bumubulong na tumawa ako, at ako ay natatawa na!

Ha ha ha ha!

Gusto kong labanan kung sino man itong tagapagbulong ng kasiyahan. Kailangan kong magseryoso at may biglang bubulong sa akin na kailangan kong lumagay sa katahimikan. Tahimik. Umupo ako sa sahig ng aking Mayor Virgilio Felipe III.

Noong wala pang bumubulabog sa aking kaisipan, nakatira ako sa isang munting bahay kubo. Dahil mahilig magtanim si nanay at tatay, maraming mga halaman at gulay sa aming bakuran. May singkamas, talong, sigarilyas, mani, sitaw, bataw, patani, kundol, patola, upo, kalabasa, labanos, mustasa, sibuyas, kamatis, bawang, luya, at sa paligid ay mga halaman ng linga. Sagana kami sa gulay kaya ang pang-araw-araw naming ulam ay gulay. Hindi lang gulay ang nakatanim sa aming bakuran. Mayroon ding mga puno na nagbibigay prutas. Mangga, santol, kamias, atis at marami pang iba.

Magtatakipsilim noon ng inutusan ako ng aking tatay na pumitas ng papaya na magsisilbing panghimagas sa aming hapunan na sinabawang upo at ginataang sitaw. Dahil malapit na ang dilim, kinailangan kong bilisan sa pagkuha ng papaya. Nasa bandang dulo kasi ito ng aming bakuran at medyo may kalayuan. Naalala ko rin ang kwento ni nanay na may mga nakatirang malalaking ibon sa mga punongkahoy at naggigising lang ito tuwing mag-aala-sais ng gabi. Kasinlaki ko raw ito at kaya raw ako nitong kainin.

“Juan, ang tawag sa kanila ay mga tsikading. Malalapad ang kanilang mga pakpak at mahahaba ang tuka. Sila ay nakadapo sa mga sanga at tuwing gabi, ang mga malalaki nilang mata ay magmumulat at sila’y lilipad para mangalap ng mga makakaing bata na tulad mo.”

Lalo pang dumilim ang kalangitan. Binilisan ko ang aking paglalakad. Hindi ko na pinansin ang aking tinatahak. Natapakan ko ang mga tanim nina nanay at tatay. Dala ko ang buslo na sisidlan ng bunga. Matapos ang ilang hakbang ay natunton ko na rin ang puno ng papaya. Sa loob ng kadiliman, kailangan kong umakyat ng puno para lang magkaroon ng panghimagas. Nagmadali akong umakyat ng puno ng papaya. Sa bandang kalagitnaan ng katawan ng puno, na akap-akap ko ng mahigpit, nakarinig ako ng huni ng ibon. Binilisan ko pa ang pag-akyat na para bang nagpapalo-sebo. Pagdating sa dulo, umalalay ako sa isang sanga nito at sa wakas, abot-kamay ko na ang bunga. Nakikipagtagisan ako laban sa dilim at sa takot. Maya-maya, umiyak ng pagkalakas-lakas ang isang ibon na hindi ko alam kung saan nanggaling at lumilipad  ito ng paikot-ikot  sa puno ng papaya kung saan ako naroroon. Dahil sa takot ay minadali kong pitasin ang papaya ngunit hindi ito matanggal-tanggal sa puno. Habang niyuyugyog ko ang puno para matanggal ang bunga, biglang naputol ang sanga kung saan ang aking kanang kamay ay nakaalalay. Nahulog ako at lumagapak sa lupa. Tumakbo ako pabalik ng kubo habang sumisigaw.

“Nanay! Tatay! Ang tsikading!”

Sinalubong ako ng aking magulang sa pintuan.

“Juan, bakit ka ba kumakaripas sa pagtakbo?” Tinanong ako ni nanay.
“Bakit wala kang dalang papaya? Asan na ang buslo?” Nakakunot ang mukha ni tatay.

Pinagalitan ako. Hindi raw totoo ang tsikading. Isang kasinungalingan ang kwento ng aking nanay tungkol sa mga tsikading sa mga sanga ng mga puno. Bakit ba kasi kailangang gaguhin ang mga batang tulad ko sa isang kwento na hindi naman pala totoo? Napahamak ako dahil sa mga ginagawa nilang alamat.

Bali ang aking kanang braso. Kinakailangan nitong lagyan ng benda para gumaling. Nagpapakulo rin si nanay ng halamang gamot at idinadampi ito sa aking namamagang braso. Kinabukasan ay nagsimba kami. Pagkatapos ng misa ay pumunta kami sa poon ng Nazareno sa may altar. Ipagdadasal daw ni nanay na sana ay gumaling ang aking baling braso. Hinaplos niya ang kanang braso ng poon at pumikit para magdasal. Pagkatapos ay hinaplos niya rin ang aking baling braso. Sa ganitong paraan daw, maipapasa sa akin ang kapangyarihan para ito’y gumaling.

“Kung gayon nanay, haplusin lang natin ng haplusin ang braso ng Nazareno!”

“Tumigil ka sa iyong kalokohan, Juan! Sagrado ang mahal na poon, hindi dapat ito pinaglalaruan.” Hindi ko talaga maintindihan si nanay. Una, ang tsikading, ngayon naman, ang kapangyarihan ng poon.
 Lumabas ako ng simbahan. Maraming nagtitinda ng mga kung ano-ano. Kandila, rosaryo, pamaypay, mga pagkain tulad ng sorbetes, nilagang itlog ng pugo, tsitsaron, puto at suman, at mga laruan tulad ng mga de-hilang kabayo at mga makukulay na lobo. Nais kong magkaroon ng lobo at ipapainggit ko sa aking kuya at ate. Dali-dali akong bumalik sa loob ng simbahan upang humingi ng kaunting barya sa aking nanay na taimtim na nagdadasal sa may sakramento. Binulungan ko siya na hihingi ako ng panghulog para sa “donasyon para sa simbahan”. Binigyan ako ng sampung piso. Lumabas ako ng simbahan at pumunta sa mamang manlolobo.

“gusto ko po iyong pulang lobo!” iniabot ko ang sampung piso sa kanya. Kapalit nama’y ang pulang lobo na dahan-dahang iniabot sa akin at ang ipinang-abot ko ay ang aking baling kanang kamay. Dahil naiunat ko ito ng hindi sinasadya, para bang kinidlatan ako sa sakit at nabitawan ko ang lobo na iniabot sa akin. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi na rin naabot ng mama ang pulang lobo. Patuloy na itong lumipad patungong langit. Habang lumalayo, paliit ng paliit ang lobo. Parang puputok ang aking puso sa sobrang panghihinayang at lungkot. Naging donasyon para sa mga anghel ang aking pulang lobo. Nasayang ang sampung piso na dapat ay ihuhulog ko para sa simbahan. Kung sa pagkain na lang sana ko iyon iginastos, siguro ay nabusog pa ako.

Hu hu hu hu!

“Hoy, baliw! Umiiyak ka na naman! Gutom ka na ba? Ito o tinapay at kape!” Kinuha ko ang ibinibigay sa akin na pagkain ng isang trycicle drayber. Uwian na ng mga mag-aaral kaya nakatambay na muli ang mga namamasada dito sa may kaharian ko.

“Hindi ako baliw, ha! Huwag niyo akong sasabihang baliw! May bumubulong lang sa akin kaya ganito ako. O, ayan, may bumubulong ulit… ano? Huh? Sandali, hindi ko maintindihan…”

“Ha ha ha! Kumain ka na Juan! Hindi na mainit iyang kape! Ha ha ha! Bakit ba kasi hindi na lang dalhin sa mental itong si Juan.”

“Boy, ilang beses na iyan dinala pero pumipilit na lumabas. Siguro rin, kaya basta na lang pinalabas kasi wala naman pang-sustento sa ospital.”

“E, yung munisipyo ‘di ba ang nagpadala sa kanya noon sa ospital?”

“Iyon na nga ang problema, e. Nagpakitang-gilas lang naman noon si Mayor Virgel kaya siguro ipinadala si Juan sa mental. Mag-eeleksyon kaya noon!  O sige, boy. Nandito na ang anak ko. Alis na muna kami. Oy, Juan, magpakabusog ka! Ha ha ha!”

“Salamat sa tinapay at kape Edgar.” Pinaandar niya ang kanyang tricycle at umalis kasama ang kanyang anak na nag-aaral sa daycare. Ang sarap ng tinapay at kape na ibinigay sa akin ni Edgar. Naalala ko tuloy noon, dahil sawa na kami sa gulay ng aming magkakapatid, humingi ako ng pambili ng tinapay sa aking tatay. Binigyan niya ako ng limang piso at tumakbo ako sa isang panaderya. Bumili ako ng pandesal na mainit at bumalik ako ng bahay. Nagtimpla ako ng kape at sinawsaw ko ang mainit na pandesal sa mainit na kape. Nakita ako ng aking nanay.

“Juan! Bakit ka nagkakape!”

“Araaay! Araaay ko po nanay!” Piningot ako ng aking nanay dahil lang sa pagkakape.

“Ilang beses ko ba sa iyo sasabihin na bawal ang kape sa mga bata! Gusto mo bang hindi ka makatulog at mamatay dahil hindi ka nakatutulog? Pasaway kang bata ka! Pumasok ka sa iyong kwarto.”
“Pero nanay, gusto ko lang po na matikman ang kape…”

“Sumasagot ka na, Juan! Sinabi kong pumasok ka sa kwarto! Lahat ng sinasabi ko ay susundin mo Juan. Magsimula ngayon, hindi ka lalabas ng kwarto!”

Hindi nga ako lumabas ng kwarto. Kaunting pagkakamali sa aming munting bahay-kubo ay pingot ang kahahantungan. Maraming bawal, maraming hindi pwedeng gawin. Nabuhay ako sa tahanan ng babaeng diktador.

Hindi ako lumabas ng kwarto. Sa tuwing kakain, hindi pa rin ako lumalabas. Taggutom kung taggutom. Isang araw, may dumapong ibon sa may bintana ng aking kwarto. Dahan-dahan kong kinuha ang aking tirador. Tiningnan kong mabuti ang ibon, hindi ito tsikading. Kumuha ako ng jolen sa bulsa para magsilbing bala sa tirador. Iniunat ko ang goma nito at minatang mabuti ang ibon, sabay bitaw sa jolen. Mabilis na tinamaan ang ibon at nahulog ito sa labas ng bintana. Lumabas ako ng bahay at pinulot ang patay na ibon. Sa wakas, may uulamin ako ngayong araw na hindi gulay. Pinakuluan ko ang ibon at tinanggalan ng balahibo. Pinakuluan ko ulit at nilagyan ng pampalasa. Niluto ko ito. Adobong ibon!

Ha ha ha ha!

Adobong ibon! Ha ha ha! Mas baliw pala ako noong bata pa ako kaysa ngayon. Hindi. Hindi pala ako baliw. Hindi ako baliw! Bakit ba sinasabihan ko ang sarili ko na baliw? Hindi ako baliw! May mga bumubulong lang sa utak ko, pero hindi ako baliw! Saan ba kasi galing ang mga bumubulong sa utak ko? Ayan, bumubulong na naman sila. Hindi ko maintindihan. Ano? Huh? Sumisigaw na sila. Maingay na naman! Magulo! Nagwawala! Nawawala! Madilim! Matalim! Mapait! Hindi mabait!

Hu hu hu!

Tulog ako nang mangyari ang lahat. Hindi ko alam kung bakit nangyari iyon. Lumabas ako ng kwarto. Magulo ang munting bahay-kubo namin. Impyerno.

“Nanay? Tatay?”

Hinanap ko sila sa loob ng bahay. Wala sila.

“Ate? Kuya? Asan kayo?”

Wala rin ang aking mga kapatid. Lumabas ako ng bahay. Madilim. Umihip ang malamig na hangin.

“Nanay! Tatay! Ate! Kuya!”

Hinanap ko sila sa malawak naming bakurang puno ng mga halaman. Ang tangi ko lang na naririnig ay mga insektong nakaririndi na sa tainga. Maya-maya pa, may naapakan ako. Sigurado ako na hindi ito gulay o halaman. May naamoy akong malansang amoy. Tiningnan ko ito at nagulat ako sa aking nakita. Kamay. Mas nagulat ako nang makita ko ang mga walang-malay na katawan nina nanay, tatay, ate, at kuya. Duguan silang lahat sa ilalim na madilim na kalangitan. Sa bandang puso ni itay, may nakasaksak na kutsilyo. Hindi ko alam ang nangyari. Wala ako sa mga pangyayari. Bakit ito nangyari? Sino ang pumatay sa aking pamilya? Hindi ko alam ang aking gagawin. Tumakbo ako sa dilim. Tumakbo ako ng tumakbo hanggang hindi ko na makita ang aking sarili.

“Langit, lupa, impyerno. im-im-impyerno. Saksak, puso, tulo ang dugo. Patay, buhay, alis ka na riyan sa puwesto mong mabaho!”

Ha ha ha ha! 

Thursday, July 19, 2012

Puto Sa Paulog


Puto sa Paulog (2012)
acrylic on canvas
16x20


Kun ika magibyahe pa-Legaspi
magtagakita sa gilid tinampo pirmi
paglampas Kawa-kawa palug Guinobatan
madiklum, mapuno, Paulog an ngaran
kayun iyan naytirinda nakakubu-kubo sana
sinapot, macapuno, masiram na puto pa

sa giniling na mapolot na bugas kadi gibo
binutang mi niluto sa mga burubao-bao
pag kinun, magisabog kan ta'mis kan bukayo
sa rurum, makaw'y, an langit di na malangrayo.
kaya kun ika magibyahe pa-Legaspi
sa Paulog magtagabakal puto pirmi