Monday, August 6, 2012

Hindi Makatulog si Anding


Hindi Makatulog si Anding
Ni Berns Brijuega


Napatingin sa kisame ang ina ni Anding na nagdarasal. Maingay na naman ang silid ng binata sa ikalawang palapag ng bahay...

Nagising si Anding. Iniunat niya ang kaliwang braso at sa hindi siguradong banda ay pilit niyang kinakapa ang makati sa nangangalambreng kamay. Mabilis na dumadaloy ang kanyang dugo sa mga ugat ng kanyang kamay na naipit ng kanyang ulo sa pagkakatulog. Sabik niyang kinamot ang kanyang kamay na pinagsaluhan ng sa palagay niya ay mga langgam. Hinaplos niya ang mga pantal gamit ang kanyang hintuturo – ang isa’y malaki, at ang isa’y doble ang laki.

Hindi siya nakatiis at dahan-dahang tumayo sa kanyang hinihigaan para buksan ang ilaw sa kanyang kwarto. Sa isip niya’y kailangan niyang maghiganti sa mga mapangkagat na mga langgam na pumapak sa kanyang inosenteng kamay. Nang naikalat na ang liwanag sa buong silid, nakita niya ang iniwang bakas ng lagim ng dilim - dalawang umbok sa manipis niyang balat sa bandang ibaba ng palasingsingan ng kanyang kaliwang kamay. Sa sobrang kati, pilit niyang pinagtitiris ang mga pantal na para bang mailalabas niya ang laman na nagpapakati nito.

Sinipat niya ang kanyang hinigaan. May nakita siyang isang langgam sa unan. Maya-maya pa, may nakita pa siyang isa. At may lumabas pa, hanggang naging limang langgam. Pinagkukurot niya ang mga ito at kinuskos sa gitna ng kanyang hinlalaki at hintuturo. Nagkagutay-gutay ang mga langgam. Bumalik siya sa katahimikan matapos ang masaker.

Hindi nagtagal ay may naramdaman siya na napakaliit na kirot sa kanyang paanan na para bang tinurukan siya ng napakaliit na karayom. Nagbadya muli ng giyera ang mga maliliit na kawal. Tumayo sa pangalawang pagkakataon si Anding at binuksan muli ang ilaw. Sa sobrang pagkairita, tinanggal niya ang sapin ng kanyang kutson at saka ito pinagpagan ng paulit-ulit. Pinalo-palo niya rin ang kanyang unan at inayos muli ang higaan. Ngayon ay makatutulog na siya ng mahimbing dahil ang alam niya ay naiwaksi na ang mga kalaban.

Sa sumunod na gabi, nangyari muli ang hindi inaasahan. Ngunit naramdaman niya na para bang mas malaki sa langgam ang gumagapang sa kanyang hita na sa palagay niya ay ipis. Mabilis niyang iwinaksi ito gamit ang kanyang kamay subalit hindi siya sigurado kung saan ito napunta. Dahil madilim, napatalon siya sa kanyang kama para masigurado na wala sa kanyang katawan ang peste sa kanyang pagtulog. Tumalon-talon siya at baka kumakapit ito sa kanyang salawal, kumendeng-kendeng at pinagpagan ang damit baka tumatago ito sa loob ng kanyang t-shirt. Binuksan niya ang ilaw. Tama ang kanyang hinala, ipis nga ang bumulabog sa kanyang pagtulog. Nasa dingding ito malapit sa kanyang kama. Kinuha niya ang kanyang abakang tsinelas at dahan-dahang inilapit ito sa ipis at bigla niya itong hinampas. Lumabas ang manila-nilaw na lamang-loob at nayupi ang katawan ng insekto. Mangisay-ngisay ang mga pakpak at mga paa nito. Para makasigurado sa pagwawagi, inihampas muli ni Anding ang tsinelas at malutong na tumama ito sa walang-laban na ipis at tuluyang nahulog sa sahig. Kumuha siya ng supot at inilagay dito ang patay na ipis at itinapon sa labas ng bintana. Bumalik sa pagtulog si Anding.

Sa sumunod na gabi, nagising muli si Anding sa mahimbing na pagkakatulog. May humaplos kasi sa kanyang mukha na para bang mabalahibong nilalang. Sa takot niya, napaupo siya mula sa pagkakahiga.

“Shoo! Shoo!”

Hindi napakali si Anding at tumayo na siya para buksan ang ilaw. Pagkabukas niya ay may nakita siyang itim na daga na kasinlaki ng kanyang pinagdugtong na mga nakasarang palad. Pinaalis niya ito at mabilis niyang pinunasan ang kanyang mukha gamit ang kumot. Dumura-dura ito sa palagay niyang hinalikan siya ng daga. Dali-dali siyang pumunta ng banyo para maghilamos. Kitang-kita sa mukha ni Anding ang pandidiri.

Bumalik ng silid si Anding na may dalang walis. Balak niyang linisan ang ilalim ng kanyang kama. Kinuha niya ang flashlight saaparador. Tiningnan niya ang ilalim ng kanyang kama. Maalikabok ang sahig at may mga hibla ng buhok siyang nakita. Walang langgam, ipis, at daga.  Nang makumbinse ay bumalik siya sa pagkakahiga para matulog.

Napakahaba ng gabi.

Nagising si Anding mula sa mahimbing na tulog sa pag-aakala’y umaga na. Ngunit walang naaaninagang ilaw ang binata. Mas madilim pa sa dilim ang kanyang nakikita. Pakiramdam niya’y tinanggalan siya ng talukap na para bang walang pagbabago kung siya ay kumurap-kurap dahil walang ni-katiting na liwanag ang pumapasok sa kanyang mga mata. Kumapa-kapa siya sa paligid at wala siyang mahawakan o madaplisan. Sumisigaw ang katahimikan sa buong silid. Pinalipas niya ang sandali at bumalik na lang sa pagtulog.

Patlang.

Biglang nasilaw si Anding kahit nakapikit ito. Hindi niya mabuksan ang kanyang mga mata. May naririnig siyang mga boses na parang nakapaloob sa isang boteng lalagyan. Hindi siya makagalaw. Sa sobrang takot ay pilit siyang nagpupumiglas sa pwersang pumipigil sa kanyang paggalaw. Hindi rin siya makapagsalita. Wala siyang laban sa bangungot na yumakap sa kanya.

Unti-unting lumalakas ang mga boses. Mga babaeng nagsasalita? Wang-wang? May umiiyak? Meron ngang umiiyak. Boses ng kanyang ina. Patuloy pa rin ang mga boses na bumibigkas ng kung ano man ang kanilang binibigkas. Habang tumatagal ay unti-unti na rin nakagagalaw ang mga parte ng kanyang katawan. Una, ang mga daliri, sunod ang mga paa, at nabuksan niya na rin ang kanyang mga mata. Maliwanag ang paligid.

May mga taong nakatingin sa kanya. Agad siyang tumayo at naramdaman na napakagaan niya. Lumakas ang mga boses. Naging ungol. Naging sigaw na nakabibingi  sa kanyang mga tainga. Sa sobrang lakas ay wala na siyang naririnig kundi sipol. Sipol ng malakas na hangin. Ipinikit niya ang mata sa takot.

Blangko.

Madilim ang paligid.

Tahimik.

“Anding, gising na at muhuhuli ka na sa klase.”

Lunes, ikalawang linggo ng pasukan. Nag-asikaso si Anding para sa kanyang pagpasok sa unibersidad. Bagong-bago ang uniporme ng binata na pinatahi pa sa pinakamagaling na sastre sa bayan. Tulad ng kanyang uniporme, bago rin ang kanyang mga kabarkada. Sabik na sabik siya sa pagpasok dahil magkikita-kita muli sila at mag-jajamming sa kanilang paboritong tambayan sa likod ng kanilang paaralan.

Bago pumasok sa gate ng unibersidad, dumaan muna ang binata sa tindahang de-gulong ni Mang Yoyong. Kinuha niya ang dalawang piso sa kanyang bulsa at ibinigay ito sa matanda.

“Magandang umaga Mang Yoyong, ako siguro ang buena-mano, ha.” Anya sabay kuha ng garapon na may nakasaad na Marlboro.

“Ang aga-aga, sunog-baga agad.”

“Pampatanggal lang ng hamog sa baga Mang Yoyong.”

“Pilosopong bata. Alam ba ng magulang mo na humihithit ka ng Marlboro?”

“Sesermunan niyo ho ba ako Mang Yoyong? Naku, sikreto lang natin ito!”

“Kung ako ang magulang mo at malaman ko na nagsisigarilyo ka, naku! Pers year ka pa lang e…”

“Buti na lang at hindi niyo ako naging anak. Ha ha ha. Pasalamat ka nga sa akin kasi bumili ako sa iyo, hindi sa kabilang tindahan!”

Ngumiting parang aso ang matandang nagtitinda. Hindi niya nakayanan ang pagkapasaway ni Anding.

Nangangalahati na sa paghithit ng yosi si Anding ng lumapit sa kanya ang mga bago niyang kaibigan. Si Romel, nakauniporme na bukas ang polo kahit ayos naman ang mga butones nito at may suot na sumbrero, ay ikatlong taon na sa kolehiyo. Si Chukoy, nakashorts, sando at nakatsinelas, ay tumigil sa pag-aaral. Kitang-kita sa kanyang payat na braso ang pinagmamalaki niyang tattoo – ito raw ang sumisimbolo sa matatag na samahan ng kanyang grupo.

“Payosi naman diyan, Anding!” Lumapit si Chukoy kay Anding.

Inilibre ng binata ang dalawang kaibigan.

“Ano? Nakapagdesisyon ka na ba?” Sambit ni Romel na tumatagaktak ang pawis sa leeg.

“Saan?”

“Sa sinabi namin noong biyernes. Ngayon kasi ang ritwal para maging ganap ka nang miyembro.” Pagkahithit ay kinuha ang panyo at pinunasan ang pawisang leeg.

“Hindi ka magsisisi, sigurado ako. Marami kang makukuhang benipisyo. Sinabi na namin ito sa’yo, di ‘ba? Ano? Papasok ka na?” Tinitigang mabuti ni Chukoy ang binata.

“Papasok muna ako, may klase ako, e.”

“Magkaklase naman tayo. ‘Wag na tayong pumasok. Sigurado naman akong hindi ka naghanda ng assignment natin. Papalabasin lang naman tayo ni Sir!”

“Oo nga pala, may assignment pala tayo!”

“O, ayan, hindi ka na rin papasok!” Tumawa ang dalawang kaibigan.

“Hoy, kayong mga nakatatanda, dapat tinuturuan niyo ng tama iyang si Anding!” Nakisingit sa usapan si Mang Yoyong.

“Ginagabayan ho naman namin si Anding, Mang Yoyong”  Umakbay si Romel sa matanda. “Dapat nga ho e maging masaya kayo kasi may magtatanggol na sa kanya. Yun nga lang, kung papasok ka na sa aming grupo, Anding.”

“Hindi mo alam ang mga nangyayari sa loob ng unibersidad na iyan, Anding. Maraming mapang-abuso. Kailangan mo ng kasangga at katuwang para manatili kang matatag sa institusyon na iyan.” Pabulong na sinabi ni Chukoy.

“Tingnan mo ako, going strong!” yabang ni Romel.

“Pero kasi, baka maraming ipagawa sa akin, simpleng assignment nga e hindi ko magawa, diyan pa kaya sa organisasyon ninyo. Pwede naman tayo maging barkada kahit hindi ako sumali diyan, ‘di ba?”

Tumalikod ang dalawang kaibigan at dismayadong naglakad palayo sa binata.
“Hoy, Romel, Chukoy, ‘wag niyo naman akong iwan. Sandali, sasali na ko!” Bumalik ang dalawa kay Anding.
“Sabi na, ha ha ha! Mababaw na walkout lang, napa-oo na natin ang soon-to-be member natin, Chukoy!”
“Sige,  mamayang alas sais ay pupunta tayo sa kampo para gawin ang pagbibinyag sa’yo. Dadalo rin ang iba pang kapatiran.”

Hindi niya lubos maipaliwanag ang nararamdaman sa kanyang biglaang pagdesisyon. Ngunit, tuwang tuwa si Anding sa mainit na pagtanggap sa kanya ng dalawang kaibigan. Sa isip niya, kung ang dalawa ay tuluyan niya nang nakapalagayang-loob, ano pa kaya ang buong organisasyon? Sabik na siyang maging myembro nito.

Kumagat na ang dilim. Ang tuwa’y napalitan ng kaba ng ilagay ang piring sa kanyang mga mata.
“Bawal ang magsalita, Anding, kahit anuman ang mangyari. Dito namin makikita kung karapat-dapat ka sa aming kapatiran. Ang gagawin mo lang ay tatayo at iyon lang, wala nang iba. Naiintindihan ba?”
“Opo.” Mahina nitong sagot.
“Naiintindihan ba Anding?!” Sinigawan siya nito sa tainga.
Sumagot siya nang pahiyaw na para bang nailabas na rin niya ang kanyang kinakabahang kaluluwa.
Bumagal ang oras. Naririnig niya ang mga tawanan ng kanyang mga kaibigan at soon-to-be na mga kaibigan. Sa ‘di alam na saglit ay may sumampal sa kanyang pisngi na pagkalakas-lakas. Sinabi niya sa sarili na huminahon.

Nawala ang halakhakan. Tumahimik ang buong silid. Dinig na dinig niya ang mga pintig ng kanyang puso. Naramdaman niya ang takot. Nais niyang sumigaw ngunit bawal. Mga sandali pa’y parang kinidlatan siya ng maramdaman niyang pinapaso siya ng kung anong mainit na bagay sa kanyang likod-palad. Nais niyang magsisisigaw. Hindi na niya maipaliwanag ang sakit. Nanatiling tikom an kanyang mga bibig sa kabila ng hapdi at init. Sa likod ng mga piring ay mga matang lumuluha sa sakit ng nararamdaman sa balat na wala man lang kapeklat-peklat.

Katahimikan.

Hinahabol ni Anding ang kanyang paghinga. Nanlalambot ang kanyang mga tuhod. Ang kanyang mga nakagapos na mga kamay ay nangingisay na parang pasmado.

Binuhusan siya ng isang baldeng tubig na nagyeyelo sa lamig. Hindi kinaya ni Anding ang ginawa sa kanya kaya napasigaw siya. Ngunit hindi ito pinatawad, bagkus pinagsusuntok siya sa mukha hanggang magdugo ang kanyang matangos na ilong.

“Romel, ikaw ang magbigay ng basbas.”

Kinuha ni Romel ang malaking piraso ng kahoy na hugis palo-palo. Hinalikan niya ang kaibigan sa magkabilaang pisngi. Nangurus, pagkatapos ay inihampas ng pagkalakas-lakas ang kahoy sa hita ni Anding. Nanatiling nakatayo ang binata at sa kaloob-looba’y umiiyak sa pagsisisi sa pagsama sa tinuring na mga kaibigan. Binale-wala niya ang sakit, at hindi pa nakakapagbuntong-hininga’y malutong na palo muli ang kanyang natanggap. Ilang ulit siyang pinagpapapalo na parang ipis sa pader. Makaraa’y hindi nakayanan ng balat ang mga palo. Pumutok ang kanyang ubeng hita at tumilamsik ang dugo nito sa sahig. Umiyak ang binata at nakiusap na itigil ang ritwal. Hindi siya pinakinggan. Para matahimik ay nilagyan ng packaging tape ang kanyang bibig. Pilit siyang nagsisisigaw hanggang tumulo ang kanyang laway. Bugbog, palo, bugbog, palo hanggang sa hindi niya na kinaya at bumigay ang kanyang mala-kristong katawan.

Hindi nagising si Anding. Hindi siya kumikibo. Hindi humihinga. Hindi tumitibok ang puso.

Kumuha ng sako si Chukoy. Pinilit nilang ipagkasya ang matangkad at duguang katawan ni Anding. Tinapon nila ito sa madamuhang bahagi sa gawing silangan sa labas ng unibersidad kung saan nag-aaral ang binata.

Makalipas ang tatlong araw ay may nakakita sa katawan ni Anding. Pinagpipyestahan ito ng mga langgam, ipis at daga. Sa kabila ng maalingasaw na amoy ay niyakap ng naghihikbing ina ang bangkay ng anak. Sa likod ng pieta ay mga usisero’t usisera na tinatakpan ang ilong at walang magawa kundi gumawa ng mga espekulasyon at pag-usapan ang malapelikung eksena.

Madilim at malamig ang gabi.

Napatingin sa kisame ang ina ni Anding na nagdarasal. Maingay na naman ang silid ng binata sa ikalawang palapag ,hindi na naman makatulog si Anding.

No comments:

Post a Comment