Sunday, December 23, 2012

2012 Belen

This is our nativity set for this year's Christmas. Same set, yet different design.



The main theme is cathedral windows.

The background is made out of picture frame stand i found in the house and sticked on it some colored papers to look like a window

 green and red are the main colors to give the scene the Christmas ambiance



Maligayang Pasko!

Tuesday, December 4, 2012

Kaguw

Kaguw (Itch-scratching)
Oil on canvas
40.5x30 cm

This is my first painting using palette knives.  This painting is a gift for my Humanities mentor and a friend, Sir Kristian Cordero, an award-winning Bikolano contemporary poet and writer.

Another contemporary Bikolano poet, sir Victor Nierva wrote a poem inspired by this painting. I am very gratified that my arts are now being recognized by few Bikolano artists like sir Vic and sir Kristian.


KAGUW NI BRIJUEGA
by Victor Dennis Nierva


Daí ta nanggád masásabútan—
mawáwalat na saná an talbó—
an pagtalikód n’ya sa kinàbán,
an pagrápak kan saíyang siko.


Daí ta man mahuhunà nanggád
an pagmatì kan saíyang kublít:
mayong gùrís, mayò man nin lugad,
mayò man nin pilà na mahúlit.



Ay, hilngá, ta gatól, gatól saná
an satô gabós makákahayag
na an pangkágaw daíng halagá
asín madayà an mga takyág.



Kagáwa saná, kagáwa bayâ,
Sagkód an gatól dagos mawarâ

(English)
Brijuega’s Kagüw


We can never understand—
all that will be left to us is dust—
her turning her back to the world,
the shattering of her elbow.



We can never assume
how her skin does the feeling:
there are no scratches, no wounds,
there are no scars that may suggest.



Oh, look, itch, only itch
can ever declare to us
that the backscratcher is of no use
and that the arms are full of deceit.



Go on, scratch it, and never stop
until the itch is finally gone.




Friday, November 30, 2012

Mirindalan Series


 Biniribid
Oil on canvas 12x12'


 Gina'tan
Oil on canvas 12x12'


 Pancit Bato
Oil on canvas 12x12'

Sinapot
Oil on canvas 12x12'

Sunday, November 11, 2012

Saturday, November 3, 2012

Emotions


Emotions (2012)
Berns Brijuega
acrylic on wood

Wednesday, October 31, 2012

Sunday, October 28, 2012

Kayod


"Nagikabüg” (2012)
acrylic on wood 13’x13’


biniyak ang niyog
sariwang sabaw ay tumilamsik 
at sa pitsil isinalang, uminom.
katawang pawis na pawis
sa kalahating oras na pagbuhos
ng lakas ng braso, gigil ng kamao,
kayod ang halik ng inuupuan at bao

reserba ang isa, ang isa'y
isinalang sa talim.
lama'y ubod ng puti 
kinudkod, kinudkod,
sinalo ng lalagyan
ang mga sapal na 
magbibigay ng gata.

Upuang lapag sa lupa
halik ng bao 
ang tunay na kasiyahan.
lakas,gigil, kayod ng maiapaw
ang dugo na kasintamis
 ng halaga ng kalahating oras 
na tagaktak ang pawis.



Sunday, September 30, 2012

Pending Title Production


 Due to the difficulty in naming a group, we just let the "Pending Title" be our production name. PT Production consists of six members and our goal is to finish this "paligsok"-themed film, which is a final requirement in our Film Appreciation class in Ateneo de Naga.

The film that we are making is a challenging one. Yes, we are indies and novices but we are trying our best to produce such a challenging film from its story to production design. The story was conceptualized by Kristine  Gonzales and made possible ( i mean really possible!) by this daring group. I wrote the story into a narrative and made sure it will not be too obvious since the story is a popular tale in the Philippines.

Pre-production: This is the gorgeous back of Guia Nacario, our Wardrobe Supervisor and Make-up Artist
doing some props.


During the shoot

 Our director Andrew Serapio briefing our main talent Budoy for the third scene


 Director Andrew Serapio with Guia supervising the script

 Laughing out loud with bloopers. Since some of our casts are not professional actors, most of the time we have this bloopers that are so funny.

Guia, VJ Abaoag (Production Assistant and Head for Props) and Ann Jillian Borja (Talent Coordinator) 

Our talent Athena Ma. Fiel Romero being prepared for her fake wake. Kristine is serious here.

The PT Production mourning for Salve

As a film student, it is important that we should  know how to work in a group since making a film is a group effort. Professionalism is important value that each member should have in this kind of work. I really hope that our film will be finished real soon and make it to Cinema Rehiyon! 

Monday, August 6, 2012

Hindi Makatulog si Anding


Hindi Makatulog si Anding
Ni Berns Brijuega


Napatingin sa kisame ang ina ni Anding na nagdarasal. Maingay na naman ang silid ng binata sa ikalawang palapag ng bahay...

Nagising si Anding. Iniunat niya ang kaliwang braso at sa hindi siguradong banda ay pilit niyang kinakapa ang makati sa nangangalambreng kamay. Mabilis na dumadaloy ang kanyang dugo sa mga ugat ng kanyang kamay na naipit ng kanyang ulo sa pagkakatulog. Sabik niyang kinamot ang kanyang kamay na pinagsaluhan ng sa palagay niya ay mga langgam. Hinaplos niya ang mga pantal gamit ang kanyang hintuturo – ang isa’y malaki, at ang isa’y doble ang laki.

Hindi siya nakatiis at dahan-dahang tumayo sa kanyang hinihigaan para buksan ang ilaw sa kanyang kwarto. Sa isip niya’y kailangan niyang maghiganti sa mga mapangkagat na mga langgam na pumapak sa kanyang inosenteng kamay. Nang naikalat na ang liwanag sa buong silid, nakita niya ang iniwang bakas ng lagim ng dilim - dalawang umbok sa manipis niyang balat sa bandang ibaba ng palasingsingan ng kanyang kaliwang kamay. Sa sobrang kati, pilit niyang pinagtitiris ang mga pantal na para bang mailalabas niya ang laman na nagpapakati nito.

Sinipat niya ang kanyang hinigaan. May nakita siyang isang langgam sa unan. Maya-maya pa, may nakita pa siyang isa. At may lumabas pa, hanggang naging limang langgam. Pinagkukurot niya ang mga ito at kinuskos sa gitna ng kanyang hinlalaki at hintuturo. Nagkagutay-gutay ang mga langgam. Bumalik siya sa katahimikan matapos ang masaker.

Hindi nagtagal ay may naramdaman siya na napakaliit na kirot sa kanyang paanan na para bang tinurukan siya ng napakaliit na karayom. Nagbadya muli ng giyera ang mga maliliit na kawal. Tumayo sa pangalawang pagkakataon si Anding at binuksan muli ang ilaw. Sa sobrang pagkairita, tinanggal niya ang sapin ng kanyang kutson at saka ito pinagpagan ng paulit-ulit. Pinalo-palo niya rin ang kanyang unan at inayos muli ang higaan. Ngayon ay makatutulog na siya ng mahimbing dahil ang alam niya ay naiwaksi na ang mga kalaban.

Sa sumunod na gabi, nangyari muli ang hindi inaasahan. Ngunit naramdaman niya na para bang mas malaki sa langgam ang gumagapang sa kanyang hita na sa palagay niya ay ipis. Mabilis niyang iwinaksi ito gamit ang kanyang kamay subalit hindi siya sigurado kung saan ito napunta. Dahil madilim, napatalon siya sa kanyang kama para masigurado na wala sa kanyang katawan ang peste sa kanyang pagtulog. Tumalon-talon siya at baka kumakapit ito sa kanyang salawal, kumendeng-kendeng at pinagpagan ang damit baka tumatago ito sa loob ng kanyang t-shirt. Binuksan niya ang ilaw. Tama ang kanyang hinala, ipis nga ang bumulabog sa kanyang pagtulog. Nasa dingding ito malapit sa kanyang kama. Kinuha niya ang kanyang abakang tsinelas at dahan-dahang inilapit ito sa ipis at bigla niya itong hinampas. Lumabas ang manila-nilaw na lamang-loob at nayupi ang katawan ng insekto. Mangisay-ngisay ang mga pakpak at mga paa nito. Para makasigurado sa pagwawagi, inihampas muli ni Anding ang tsinelas at malutong na tumama ito sa walang-laban na ipis at tuluyang nahulog sa sahig. Kumuha siya ng supot at inilagay dito ang patay na ipis at itinapon sa labas ng bintana. Bumalik sa pagtulog si Anding.

Sa sumunod na gabi, nagising muli si Anding sa mahimbing na pagkakatulog. May humaplos kasi sa kanyang mukha na para bang mabalahibong nilalang. Sa takot niya, napaupo siya mula sa pagkakahiga.

“Shoo! Shoo!”

Hindi napakali si Anding at tumayo na siya para buksan ang ilaw. Pagkabukas niya ay may nakita siyang itim na daga na kasinlaki ng kanyang pinagdugtong na mga nakasarang palad. Pinaalis niya ito at mabilis niyang pinunasan ang kanyang mukha gamit ang kumot. Dumura-dura ito sa palagay niyang hinalikan siya ng daga. Dali-dali siyang pumunta ng banyo para maghilamos. Kitang-kita sa mukha ni Anding ang pandidiri.

Bumalik ng silid si Anding na may dalang walis. Balak niyang linisan ang ilalim ng kanyang kama. Kinuha niya ang flashlight saaparador. Tiningnan niya ang ilalim ng kanyang kama. Maalikabok ang sahig at may mga hibla ng buhok siyang nakita. Walang langgam, ipis, at daga.  Nang makumbinse ay bumalik siya sa pagkakahiga para matulog.

Napakahaba ng gabi.

Nagising si Anding mula sa mahimbing na tulog sa pag-aakala’y umaga na. Ngunit walang naaaninagang ilaw ang binata. Mas madilim pa sa dilim ang kanyang nakikita. Pakiramdam niya’y tinanggalan siya ng talukap na para bang walang pagbabago kung siya ay kumurap-kurap dahil walang ni-katiting na liwanag ang pumapasok sa kanyang mga mata. Kumapa-kapa siya sa paligid at wala siyang mahawakan o madaplisan. Sumisigaw ang katahimikan sa buong silid. Pinalipas niya ang sandali at bumalik na lang sa pagtulog.

Patlang.

Biglang nasilaw si Anding kahit nakapikit ito. Hindi niya mabuksan ang kanyang mga mata. May naririnig siyang mga boses na parang nakapaloob sa isang boteng lalagyan. Hindi siya makagalaw. Sa sobrang takot ay pilit siyang nagpupumiglas sa pwersang pumipigil sa kanyang paggalaw. Hindi rin siya makapagsalita. Wala siyang laban sa bangungot na yumakap sa kanya.

Unti-unting lumalakas ang mga boses. Mga babaeng nagsasalita? Wang-wang? May umiiyak? Meron ngang umiiyak. Boses ng kanyang ina. Patuloy pa rin ang mga boses na bumibigkas ng kung ano man ang kanilang binibigkas. Habang tumatagal ay unti-unti na rin nakagagalaw ang mga parte ng kanyang katawan. Una, ang mga daliri, sunod ang mga paa, at nabuksan niya na rin ang kanyang mga mata. Maliwanag ang paligid.

May mga taong nakatingin sa kanya. Agad siyang tumayo at naramdaman na napakagaan niya. Lumakas ang mga boses. Naging ungol. Naging sigaw na nakabibingi  sa kanyang mga tainga. Sa sobrang lakas ay wala na siyang naririnig kundi sipol. Sipol ng malakas na hangin. Ipinikit niya ang mata sa takot.

Blangko.

Madilim ang paligid.

Tahimik.

“Anding, gising na at muhuhuli ka na sa klase.”

Lunes, ikalawang linggo ng pasukan. Nag-asikaso si Anding para sa kanyang pagpasok sa unibersidad. Bagong-bago ang uniporme ng binata na pinatahi pa sa pinakamagaling na sastre sa bayan. Tulad ng kanyang uniporme, bago rin ang kanyang mga kabarkada. Sabik na sabik siya sa pagpasok dahil magkikita-kita muli sila at mag-jajamming sa kanilang paboritong tambayan sa likod ng kanilang paaralan.

Bago pumasok sa gate ng unibersidad, dumaan muna ang binata sa tindahang de-gulong ni Mang Yoyong. Kinuha niya ang dalawang piso sa kanyang bulsa at ibinigay ito sa matanda.

“Magandang umaga Mang Yoyong, ako siguro ang buena-mano, ha.” Anya sabay kuha ng garapon na may nakasaad na Marlboro.

“Ang aga-aga, sunog-baga agad.”

“Pampatanggal lang ng hamog sa baga Mang Yoyong.”

“Pilosopong bata. Alam ba ng magulang mo na humihithit ka ng Marlboro?”

“Sesermunan niyo ho ba ako Mang Yoyong? Naku, sikreto lang natin ito!”

“Kung ako ang magulang mo at malaman ko na nagsisigarilyo ka, naku! Pers year ka pa lang e…”

“Buti na lang at hindi niyo ako naging anak. Ha ha ha. Pasalamat ka nga sa akin kasi bumili ako sa iyo, hindi sa kabilang tindahan!”

Ngumiting parang aso ang matandang nagtitinda. Hindi niya nakayanan ang pagkapasaway ni Anding.

Nangangalahati na sa paghithit ng yosi si Anding ng lumapit sa kanya ang mga bago niyang kaibigan. Si Romel, nakauniporme na bukas ang polo kahit ayos naman ang mga butones nito at may suot na sumbrero, ay ikatlong taon na sa kolehiyo. Si Chukoy, nakashorts, sando at nakatsinelas, ay tumigil sa pag-aaral. Kitang-kita sa kanyang payat na braso ang pinagmamalaki niyang tattoo – ito raw ang sumisimbolo sa matatag na samahan ng kanyang grupo.

“Payosi naman diyan, Anding!” Lumapit si Chukoy kay Anding.

Inilibre ng binata ang dalawang kaibigan.

“Ano? Nakapagdesisyon ka na ba?” Sambit ni Romel na tumatagaktak ang pawis sa leeg.

“Saan?”

“Sa sinabi namin noong biyernes. Ngayon kasi ang ritwal para maging ganap ka nang miyembro.” Pagkahithit ay kinuha ang panyo at pinunasan ang pawisang leeg.

“Hindi ka magsisisi, sigurado ako. Marami kang makukuhang benipisyo. Sinabi na namin ito sa’yo, di ‘ba? Ano? Papasok ka na?” Tinitigang mabuti ni Chukoy ang binata.

“Papasok muna ako, may klase ako, e.”

“Magkaklase naman tayo. ‘Wag na tayong pumasok. Sigurado naman akong hindi ka naghanda ng assignment natin. Papalabasin lang naman tayo ni Sir!”

“Oo nga pala, may assignment pala tayo!”

“O, ayan, hindi ka na rin papasok!” Tumawa ang dalawang kaibigan.

“Hoy, kayong mga nakatatanda, dapat tinuturuan niyo ng tama iyang si Anding!” Nakisingit sa usapan si Mang Yoyong.

“Ginagabayan ho naman namin si Anding, Mang Yoyong”  Umakbay si Romel sa matanda. “Dapat nga ho e maging masaya kayo kasi may magtatanggol na sa kanya. Yun nga lang, kung papasok ka na sa aming grupo, Anding.”

“Hindi mo alam ang mga nangyayari sa loob ng unibersidad na iyan, Anding. Maraming mapang-abuso. Kailangan mo ng kasangga at katuwang para manatili kang matatag sa institusyon na iyan.” Pabulong na sinabi ni Chukoy.

“Tingnan mo ako, going strong!” yabang ni Romel.

“Pero kasi, baka maraming ipagawa sa akin, simpleng assignment nga e hindi ko magawa, diyan pa kaya sa organisasyon ninyo. Pwede naman tayo maging barkada kahit hindi ako sumali diyan, ‘di ba?”

Tumalikod ang dalawang kaibigan at dismayadong naglakad palayo sa binata.
“Hoy, Romel, Chukoy, ‘wag niyo naman akong iwan. Sandali, sasali na ko!” Bumalik ang dalawa kay Anding.
“Sabi na, ha ha ha! Mababaw na walkout lang, napa-oo na natin ang soon-to-be member natin, Chukoy!”
“Sige,  mamayang alas sais ay pupunta tayo sa kampo para gawin ang pagbibinyag sa’yo. Dadalo rin ang iba pang kapatiran.”

Hindi niya lubos maipaliwanag ang nararamdaman sa kanyang biglaang pagdesisyon. Ngunit, tuwang tuwa si Anding sa mainit na pagtanggap sa kanya ng dalawang kaibigan. Sa isip niya, kung ang dalawa ay tuluyan niya nang nakapalagayang-loob, ano pa kaya ang buong organisasyon? Sabik na siyang maging myembro nito.

Kumagat na ang dilim. Ang tuwa’y napalitan ng kaba ng ilagay ang piring sa kanyang mga mata.
“Bawal ang magsalita, Anding, kahit anuman ang mangyari. Dito namin makikita kung karapat-dapat ka sa aming kapatiran. Ang gagawin mo lang ay tatayo at iyon lang, wala nang iba. Naiintindihan ba?”
“Opo.” Mahina nitong sagot.
“Naiintindihan ba Anding?!” Sinigawan siya nito sa tainga.
Sumagot siya nang pahiyaw na para bang nailabas na rin niya ang kanyang kinakabahang kaluluwa.
Bumagal ang oras. Naririnig niya ang mga tawanan ng kanyang mga kaibigan at soon-to-be na mga kaibigan. Sa ‘di alam na saglit ay may sumampal sa kanyang pisngi na pagkalakas-lakas. Sinabi niya sa sarili na huminahon.

Nawala ang halakhakan. Tumahimik ang buong silid. Dinig na dinig niya ang mga pintig ng kanyang puso. Naramdaman niya ang takot. Nais niyang sumigaw ngunit bawal. Mga sandali pa’y parang kinidlatan siya ng maramdaman niyang pinapaso siya ng kung anong mainit na bagay sa kanyang likod-palad. Nais niyang magsisisigaw. Hindi na niya maipaliwanag ang sakit. Nanatiling tikom an kanyang mga bibig sa kabila ng hapdi at init. Sa likod ng mga piring ay mga matang lumuluha sa sakit ng nararamdaman sa balat na wala man lang kapeklat-peklat.

Katahimikan.

Hinahabol ni Anding ang kanyang paghinga. Nanlalambot ang kanyang mga tuhod. Ang kanyang mga nakagapos na mga kamay ay nangingisay na parang pasmado.

Binuhusan siya ng isang baldeng tubig na nagyeyelo sa lamig. Hindi kinaya ni Anding ang ginawa sa kanya kaya napasigaw siya. Ngunit hindi ito pinatawad, bagkus pinagsusuntok siya sa mukha hanggang magdugo ang kanyang matangos na ilong.

“Romel, ikaw ang magbigay ng basbas.”

Kinuha ni Romel ang malaking piraso ng kahoy na hugis palo-palo. Hinalikan niya ang kaibigan sa magkabilaang pisngi. Nangurus, pagkatapos ay inihampas ng pagkalakas-lakas ang kahoy sa hita ni Anding. Nanatiling nakatayo ang binata at sa kaloob-looba’y umiiyak sa pagsisisi sa pagsama sa tinuring na mga kaibigan. Binale-wala niya ang sakit, at hindi pa nakakapagbuntong-hininga’y malutong na palo muli ang kanyang natanggap. Ilang ulit siyang pinagpapapalo na parang ipis sa pader. Makaraa’y hindi nakayanan ng balat ang mga palo. Pumutok ang kanyang ubeng hita at tumilamsik ang dugo nito sa sahig. Umiyak ang binata at nakiusap na itigil ang ritwal. Hindi siya pinakinggan. Para matahimik ay nilagyan ng packaging tape ang kanyang bibig. Pilit siyang nagsisisigaw hanggang tumulo ang kanyang laway. Bugbog, palo, bugbog, palo hanggang sa hindi niya na kinaya at bumigay ang kanyang mala-kristong katawan.

Hindi nagising si Anding. Hindi siya kumikibo. Hindi humihinga. Hindi tumitibok ang puso.

Kumuha ng sako si Chukoy. Pinilit nilang ipagkasya ang matangkad at duguang katawan ni Anding. Tinapon nila ito sa madamuhang bahagi sa gawing silangan sa labas ng unibersidad kung saan nag-aaral ang binata.

Makalipas ang tatlong araw ay may nakakita sa katawan ni Anding. Pinagpipyestahan ito ng mga langgam, ipis at daga. Sa kabila ng maalingasaw na amoy ay niyakap ng naghihikbing ina ang bangkay ng anak. Sa likod ng pieta ay mga usisero’t usisera na tinatakpan ang ilong at walang magawa kundi gumawa ng mga espekulasyon at pag-usapan ang malapelikung eksena.

Madilim at malamig ang gabi.

Napatingin sa kisame ang ina ni Anding na nagdarasal. Maingay na naman ang silid ng binata sa ikalawang palapag ,hindi na naman makatulog si Anding.

Monday, July 23, 2012

Mga Awit ng isang Buang

Mga Awit ng Isang Buang | berns brijuega

Ha ha ha ha!

Natatawa talaga ako sa mga bata na umaawit sa isang daycare sa harap ng waiting shed na may pangalang Mayor Virgilio Felipe III na nagsisilbing tirahan ko. Tuwing umaga nila ito inaawit, at dahil koro, naririnig ko ang kanilang mga wala-sa-tonong mga tinig. Ito na rin ang gumigising sa akin araw-araw, maliban na lamang tuwing sabado at linggo dahil wala ang mga bata sa paaralang ito.

Pagkatapos ng mga awiting pambata ay katapusan na rin ng aking kasiyahan. Tahimik na muli ang silid na puno ng makukulay na mga larawan at mga malalaking titik at bilang na may mga mata at bibig na mistulang nagsasalita at nakikipag-usap sa mga walang muwang na mga bata. Hindi ba sila natatakot? Darating ang panahon na ang mga titik at bilang na ito ang kakain at lulunok sa mga bibong bata  at ito na rin ang magpapaikot ng mundo. Sila nga lang naman ang nagpapaikot ng mundo! Ang mga simbolo na inalagaan natin at inalam, ang binasa natin at isinulat. Ang mga titik at bilang na nagbigay sa ating ng karunungan!

Tahimik na muli ang silid. Ngunit maraming nangyayari sa aking isip. Sumisigaw! Maingay! Magulo! Nangangagat! Umaangat! Nagwawala! Nawawala! Madilim! Matalim! Mapait! Hindi mabait! Ano itong nasa loob ng utak ko! Nabibingi ako sa mga sinasabi nila! Kailangan ko bang tumawa? Umiyak? Magalit? Lunumdag sa saya? Maghinagpis? Nais ko ng katahimikan! May bumubulong na tumawa ako, at ako ay natatawa na!

Ha ha ha ha!

Gusto kong labanan kung sino man itong tagapagbulong ng kasiyahan. Kailangan kong magseryoso at may biglang bubulong sa akin na kailangan kong lumagay sa katahimikan. Tahimik. Umupo ako sa sahig ng aking Mayor Virgilio Felipe III.

Noong wala pang bumubulabog sa aking kaisipan, nakatira ako sa isang munting bahay kubo. Dahil mahilig magtanim si nanay at tatay, maraming mga halaman at gulay sa aming bakuran. May singkamas, talong, sigarilyas, mani, sitaw, bataw, patani, kundol, patola, upo, kalabasa, labanos, mustasa, sibuyas, kamatis, bawang, luya, at sa paligid ay mga halaman ng linga. Sagana kami sa gulay kaya ang pang-araw-araw naming ulam ay gulay. Hindi lang gulay ang nakatanim sa aming bakuran. Mayroon ding mga puno na nagbibigay prutas. Mangga, santol, kamias, atis at marami pang iba.

Magtatakipsilim noon ng inutusan ako ng aking tatay na pumitas ng papaya na magsisilbing panghimagas sa aming hapunan na sinabawang upo at ginataang sitaw. Dahil malapit na ang dilim, kinailangan kong bilisan sa pagkuha ng papaya. Nasa bandang dulo kasi ito ng aming bakuran at medyo may kalayuan. Naalala ko rin ang kwento ni nanay na may mga nakatirang malalaking ibon sa mga punongkahoy at naggigising lang ito tuwing mag-aala-sais ng gabi. Kasinlaki ko raw ito at kaya raw ako nitong kainin.

“Juan, ang tawag sa kanila ay mga tsikading. Malalapad ang kanilang mga pakpak at mahahaba ang tuka. Sila ay nakadapo sa mga sanga at tuwing gabi, ang mga malalaki nilang mata ay magmumulat at sila’y lilipad para mangalap ng mga makakaing bata na tulad mo.”

Lalo pang dumilim ang kalangitan. Binilisan ko ang aking paglalakad. Hindi ko na pinansin ang aking tinatahak. Natapakan ko ang mga tanim nina nanay at tatay. Dala ko ang buslo na sisidlan ng bunga. Matapos ang ilang hakbang ay natunton ko na rin ang puno ng papaya. Sa loob ng kadiliman, kailangan kong umakyat ng puno para lang magkaroon ng panghimagas. Nagmadali akong umakyat ng puno ng papaya. Sa bandang kalagitnaan ng katawan ng puno, na akap-akap ko ng mahigpit, nakarinig ako ng huni ng ibon. Binilisan ko pa ang pag-akyat na para bang nagpapalo-sebo. Pagdating sa dulo, umalalay ako sa isang sanga nito at sa wakas, abot-kamay ko na ang bunga. Nakikipagtagisan ako laban sa dilim at sa takot. Maya-maya, umiyak ng pagkalakas-lakas ang isang ibon na hindi ko alam kung saan nanggaling at lumilipad  ito ng paikot-ikot  sa puno ng papaya kung saan ako naroroon. Dahil sa takot ay minadali kong pitasin ang papaya ngunit hindi ito matanggal-tanggal sa puno. Habang niyuyugyog ko ang puno para matanggal ang bunga, biglang naputol ang sanga kung saan ang aking kanang kamay ay nakaalalay. Nahulog ako at lumagapak sa lupa. Tumakbo ako pabalik ng kubo habang sumisigaw.

“Nanay! Tatay! Ang tsikading!”

Sinalubong ako ng aking magulang sa pintuan.

“Juan, bakit ka ba kumakaripas sa pagtakbo?” Tinanong ako ni nanay.
“Bakit wala kang dalang papaya? Asan na ang buslo?” Nakakunot ang mukha ni tatay.

Pinagalitan ako. Hindi raw totoo ang tsikading. Isang kasinungalingan ang kwento ng aking nanay tungkol sa mga tsikading sa mga sanga ng mga puno. Bakit ba kasi kailangang gaguhin ang mga batang tulad ko sa isang kwento na hindi naman pala totoo? Napahamak ako dahil sa mga ginagawa nilang alamat.

Bali ang aking kanang braso. Kinakailangan nitong lagyan ng benda para gumaling. Nagpapakulo rin si nanay ng halamang gamot at idinadampi ito sa aking namamagang braso. Kinabukasan ay nagsimba kami. Pagkatapos ng misa ay pumunta kami sa poon ng Nazareno sa may altar. Ipagdadasal daw ni nanay na sana ay gumaling ang aking baling braso. Hinaplos niya ang kanang braso ng poon at pumikit para magdasal. Pagkatapos ay hinaplos niya rin ang aking baling braso. Sa ganitong paraan daw, maipapasa sa akin ang kapangyarihan para ito’y gumaling.

“Kung gayon nanay, haplusin lang natin ng haplusin ang braso ng Nazareno!”

“Tumigil ka sa iyong kalokohan, Juan! Sagrado ang mahal na poon, hindi dapat ito pinaglalaruan.” Hindi ko talaga maintindihan si nanay. Una, ang tsikading, ngayon naman, ang kapangyarihan ng poon.
 Lumabas ako ng simbahan. Maraming nagtitinda ng mga kung ano-ano. Kandila, rosaryo, pamaypay, mga pagkain tulad ng sorbetes, nilagang itlog ng pugo, tsitsaron, puto at suman, at mga laruan tulad ng mga de-hilang kabayo at mga makukulay na lobo. Nais kong magkaroon ng lobo at ipapainggit ko sa aking kuya at ate. Dali-dali akong bumalik sa loob ng simbahan upang humingi ng kaunting barya sa aking nanay na taimtim na nagdadasal sa may sakramento. Binulungan ko siya na hihingi ako ng panghulog para sa “donasyon para sa simbahan”. Binigyan ako ng sampung piso. Lumabas ako ng simbahan at pumunta sa mamang manlolobo.

“gusto ko po iyong pulang lobo!” iniabot ko ang sampung piso sa kanya. Kapalit nama’y ang pulang lobo na dahan-dahang iniabot sa akin at ang ipinang-abot ko ay ang aking baling kanang kamay. Dahil naiunat ko ito ng hindi sinasadya, para bang kinidlatan ako sa sakit at nabitawan ko ang lobo na iniabot sa akin. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi na rin naabot ng mama ang pulang lobo. Patuloy na itong lumipad patungong langit. Habang lumalayo, paliit ng paliit ang lobo. Parang puputok ang aking puso sa sobrang panghihinayang at lungkot. Naging donasyon para sa mga anghel ang aking pulang lobo. Nasayang ang sampung piso na dapat ay ihuhulog ko para sa simbahan. Kung sa pagkain na lang sana ko iyon iginastos, siguro ay nabusog pa ako.

Hu hu hu hu!

“Hoy, baliw! Umiiyak ka na naman! Gutom ka na ba? Ito o tinapay at kape!” Kinuha ko ang ibinibigay sa akin na pagkain ng isang trycicle drayber. Uwian na ng mga mag-aaral kaya nakatambay na muli ang mga namamasada dito sa may kaharian ko.

“Hindi ako baliw, ha! Huwag niyo akong sasabihang baliw! May bumubulong lang sa akin kaya ganito ako. O, ayan, may bumubulong ulit… ano? Huh? Sandali, hindi ko maintindihan…”

“Ha ha ha! Kumain ka na Juan! Hindi na mainit iyang kape! Ha ha ha! Bakit ba kasi hindi na lang dalhin sa mental itong si Juan.”

“Boy, ilang beses na iyan dinala pero pumipilit na lumabas. Siguro rin, kaya basta na lang pinalabas kasi wala naman pang-sustento sa ospital.”

“E, yung munisipyo ‘di ba ang nagpadala sa kanya noon sa ospital?”

“Iyon na nga ang problema, e. Nagpakitang-gilas lang naman noon si Mayor Virgel kaya siguro ipinadala si Juan sa mental. Mag-eeleksyon kaya noon!  O sige, boy. Nandito na ang anak ko. Alis na muna kami. Oy, Juan, magpakabusog ka! Ha ha ha!”

“Salamat sa tinapay at kape Edgar.” Pinaandar niya ang kanyang tricycle at umalis kasama ang kanyang anak na nag-aaral sa daycare. Ang sarap ng tinapay at kape na ibinigay sa akin ni Edgar. Naalala ko tuloy noon, dahil sawa na kami sa gulay ng aming magkakapatid, humingi ako ng pambili ng tinapay sa aking tatay. Binigyan niya ako ng limang piso at tumakbo ako sa isang panaderya. Bumili ako ng pandesal na mainit at bumalik ako ng bahay. Nagtimpla ako ng kape at sinawsaw ko ang mainit na pandesal sa mainit na kape. Nakita ako ng aking nanay.

“Juan! Bakit ka nagkakape!”

“Araaay! Araaay ko po nanay!” Piningot ako ng aking nanay dahil lang sa pagkakape.

“Ilang beses ko ba sa iyo sasabihin na bawal ang kape sa mga bata! Gusto mo bang hindi ka makatulog at mamatay dahil hindi ka nakatutulog? Pasaway kang bata ka! Pumasok ka sa iyong kwarto.”
“Pero nanay, gusto ko lang po na matikman ang kape…”

“Sumasagot ka na, Juan! Sinabi kong pumasok ka sa kwarto! Lahat ng sinasabi ko ay susundin mo Juan. Magsimula ngayon, hindi ka lalabas ng kwarto!”

Hindi nga ako lumabas ng kwarto. Kaunting pagkakamali sa aming munting bahay-kubo ay pingot ang kahahantungan. Maraming bawal, maraming hindi pwedeng gawin. Nabuhay ako sa tahanan ng babaeng diktador.

Hindi ako lumabas ng kwarto. Sa tuwing kakain, hindi pa rin ako lumalabas. Taggutom kung taggutom. Isang araw, may dumapong ibon sa may bintana ng aking kwarto. Dahan-dahan kong kinuha ang aking tirador. Tiningnan kong mabuti ang ibon, hindi ito tsikading. Kumuha ako ng jolen sa bulsa para magsilbing bala sa tirador. Iniunat ko ang goma nito at minatang mabuti ang ibon, sabay bitaw sa jolen. Mabilis na tinamaan ang ibon at nahulog ito sa labas ng bintana. Lumabas ako ng bahay at pinulot ang patay na ibon. Sa wakas, may uulamin ako ngayong araw na hindi gulay. Pinakuluan ko ang ibon at tinanggalan ng balahibo. Pinakuluan ko ulit at nilagyan ng pampalasa. Niluto ko ito. Adobong ibon!

Ha ha ha ha!

Adobong ibon! Ha ha ha! Mas baliw pala ako noong bata pa ako kaysa ngayon. Hindi. Hindi pala ako baliw. Hindi ako baliw! Bakit ba sinasabihan ko ang sarili ko na baliw? Hindi ako baliw! May mga bumubulong lang sa utak ko, pero hindi ako baliw! Saan ba kasi galing ang mga bumubulong sa utak ko? Ayan, bumubulong na naman sila. Hindi ko maintindihan. Ano? Huh? Sumisigaw na sila. Maingay na naman! Magulo! Nagwawala! Nawawala! Madilim! Matalim! Mapait! Hindi mabait!

Hu hu hu!

Tulog ako nang mangyari ang lahat. Hindi ko alam kung bakit nangyari iyon. Lumabas ako ng kwarto. Magulo ang munting bahay-kubo namin. Impyerno.

“Nanay? Tatay?”

Hinanap ko sila sa loob ng bahay. Wala sila.

“Ate? Kuya? Asan kayo?”

Wala rin ang aking mga kapatid. Lumabas ako ng bahay. Madilim. Umihip ang malamig na hangin.

“Nanay! Tatay! Ate! Kuya!”

Hinanap ko sila sa malawak naming bakurang puno ng mga halaman. Ang tangi ko lang na naririnig ay mga insektong nakaririndi na sa tainga. Maya-maya pa, may naapakan ako. Sigurado ako na hindi ito gulay o halaman. May naamoy akong malansang amoy. Tiningnan ko ito at nagulat ako sa aking nakita. Kamay. Mas nagulat ako nang makita ko ang mga walang-malay na katawan nina nanay, tatay, ate, at kuya. Duguan silang lahat sa ilalim na madilim na kalangitan. Sa bandang puso ni itay, may nakasaksak na kutsilyo. Hindi ko alam ang nangyari. Wala ako sa mga pangyayari. Bakit ito nangyari? Sino ang pumatay sa aking pamilya? Hindi ko alam ang aking gagawin. Tumakbo ako sa dilim. Tumakbo ako ng tumakbo hanggang hindi ko na makita ang aking sarili.

“Langit, lupa, impyerno. im-im-impyerno. Saksak, puso, tulo ang dugo. Patay, buhay, alis ka na riyan sa puwesto mong mabaho!”

Ha ha ha ha! 

Thursday, July 19, 2012

Puto Sa Paulog


Puto sa Paulog (2012)
acrylic on canvas
16x20


Kun ika magibyahe pa-Legaspi
magtagakita sa gilid tinampo pirmi
paglampas Kawa-kawa palug Guinobatan
madiklum, mapuno, Paulog an ngaran
kayun iyan naytirinda nakakubu-kubo sana
sinapot, macapuno, masiram na puto pa

sa giniling na mapolot na bugas kadi gibo
binutang mi niluto sa mga burubao-bao
pag kinun, magisabog kan ta'mis kan bukayo
sa rurum, makaw'y, an langit di na malangrayo.
kaya kun ika magibyahe pa-Legaspi
sa Paulog magtagabakal puto pirmi


                             

Monday, April 16, 2012

Pinadangat - 3rd Magayon Short Film Festival Official Entry



Pinadangat Synopsis
Pumunta si Peter sa Bicol para maghanap ng trabaho, hanapin ang kanyang ina, at hanapin ang kanyang sarili. Sa kabila ng kalungkutan, hindi niya inaasahang makahahanap siya ng kakaibang pag-ibig.
Inihahandog ng Ribong Productions ang Pinadangat, isang maikling pelikula na magpaparanas ng sarap ng bagong pag-ibig na magtatanda sa bawat isa.

(English)Peter went to Bicol to apply for a job, search for her mother, and have a deep self-reflection. Despite the sadness, he did not expect that he will find a no ordinary love.
Ribong Productions presents Pinadangat, a short film that will give us the lusciousness of a new found love that will be remembered by all ages.

Awards:
Best in Production Design
Best in Cinematography
Best in Editing
Best in Narrative
3rd Magayon Short Film Festival 1st place winner

Production stills




starring Marc Christian Felix, Francia Bechayda, and Joanna Mae Dollero
Also starring Jessa Dela Soledad, Nikka Dollero
Written by Berns Brijuega and Directed by Andrew Serapio, Produced by Ribong Productions for the 3rd Magayon Short Film Festival.


Public film viewing: April 16 -23, 2012, Penaranda Park, Old Albay, Legaspi City
Screenings at A. Bichara Silverscreens Entertainment Center, Legaspi City
Gala Screening and Awards Night: April 24, 2012, Bar 101, Legaspi City