“Last trip! Last trip!”
Tumakbo ako na para bang may humahabol sa aking malaking aso. Sa wakas at nakasakay na ako matapos ang halos isang oras na paghihintay ng dyip pauwi sa amin. Isang araw na naman ang natapos. Ako’y nagpapasalamat at walang nangyaring masama sa akin sa buong magdamag.
“Bilis boy!”
Hindi makapaghintay ang konduktor ng dyip. Kung hindi ba naman tumigil sa harapan ko ang dyip kung saan ako naghihintay, hindi ko sana tatakbuhin ang pagkalampas nito. Malayo-layo rin kung saan tumigil ang dyip. Mga ilang segundo ay narating ko rin ang dyip. Humihingal.
Lumingon-lingon ako sa loob. Nakatingin sakin ang lahat ng pasahero. Iba-ibang mukha na kinulayan ng matingkad na pulang ilaw.
“Ano nunuy, sasakay ka ba o hindi?”
Puno ang dyip. Ngunit wala akong ibang pagpipilian kundi sumakay at makipagsiksikan . Humakbang ako papasok at dumiretso, sabay andar ng dyip. Bawat dinadaanan kong pasahero ay napapalingon sa akin. Hindi ko maanigan ang ilang reaksyon. Hanggang nakarating ako sa pinakadulo, sa likuran ng tsuper.
Nagmasid ako sa paligid. Katabi ko ay isang matandang lalake, natutulog. Sa harapan ko naman ay kapwa ko estudyante. siyam na katao ang nakaupo sa aming harapan. Siguro ay siyam rin ang nakaupo sa aming raya. Walang ibang maririnig kundi ang makinang sa tingin ko ay pagod na rin sa maghapong pasada. Ang ilang pasahero ay nakatingin sa bintana, ang ilan naman ay nakaidlip, ang ilan ay nag-iidlip-idlipan. Sabay-sabay ang hampas ng kanilang mga ulo. Parang nagsasayaw na mga laruang aso na inilalagay sa mga kotse pandekorasyon. Ugong ng makina, pulang paligid, isa lang ang maihahalintulad ko sa sitwasyong ito – impyerno.
“Boy, saan ka?”
Sumigaw ang konduktor na nakatayong nakayuko sa dulo ng dyip. Mukhang maniningil na ang demonyo.
“Sa Guinobatan lang po ako, heto, paabot naman po”
Iniunat ko ang aking kanang kamay na may hawak na isang bente, isang sinko at isang diyes. Mabuti naman at iniabot ng isang ale ang bayad ko. Nakarating ito sa konduktor matapos mahawakan ng dalawa pang tao. Kung maaari lang ngang pasalamatan ang mga pasaherong mapag-unat ang mga kamay na nag-abot ng aking bayad.
Matapos makuha ang pera ay inayos ng konduktor ang perang papel na natanggap sa kanyang kamay na nagmistulang perang pamaypay.
Isang oras o mahigit ang itatagal ko sa loob ng dyip na ‘to. Kasasakay ko pa lang ay bagot na bagot na agad ako. Tiningnan ko ang mga tao sa loob ng dyip.
Tulog na matanda ang katabi ko, estudyanteng nag-uusap at nagtatawanan sa harapan ko, sa katabi ng estudyante ay isang babaeng sa tingin ko ay nagtatrabaho sa isang opisina. Katabi naman niya ay isang babaeng sa tingin ko ay may edad na apatnapu. May kalong siyang bag at mga folders at envelopes. Isa siyang guro, hula ko. Katabi naman niya ay isa pang babae, may kalong naman siyang mga supot ng LCC, halatang nag-grocery. Kamukha niya ang katabi niyang teenager na babae, mag-ina sila. Katabi ng dalagita ay isang matabang lalaki, halatang nahihirapan siya at ang dalawa pang katabi niyang estudyanteng nag-aaral sa isang marine school.Lumingon naman ako sa bandang kaliwa ko, ang drayber, nakasumbrero. Malamang pagod na siya sa maghapong pasada, tulad ng kanyang umuungol na dyip. Katabi niya ay isang babae at lalaki. Magsing-irog sila, sigurado ako, dahil nakaakbay ang lalaki sa babae. Mukhang tulog naman ang babae sa may kili-kili ng lalake. Nagmamahalan nga.
Maya-maya’y napansin ko ang loob ng dyip. May mga pangalan itong nakapintura sa mababang kisame nito. Stella, Ferdinand, Marie. Hawakang bakal. Tumingala ako, at nakatapat sa may ulo ko ang pangalang Jennifer, katabi ay Mama at Papa. Isang pamilya. Siguro, umaasa ang pamilya sa umuungol na dyip na halatang may katandaan na. Napansin ko rin ang ilaw na mala-siopao na nakalagay sa may kalagitnaan ng kisame. Natipon na ang alikabok nito sa loob kaya hindi ito nagbibigay ng matingkad na ilaw, bagkus nilalamon ito ng ilaw na pula mula sa gilid. Sa harapan, nakasulat ang Basco Family.
Napatingin ako sa aking relo at limang minuto bago mag-alas diyes ng gabi ang pilit na ipinapakita nito. Mahaba-haba pa ang byahe. Dalawang bayan pa bago ako makarating sa aking tahanan.
Di kalauna’y biglang nagpreno ang tsuper. May sasakay na pasahero. Dahan-dahang tumigil ang dyip.
“Puno na ha, saan naman kami sasakay?”
Isa siyang maliit na babae na may kargang sanggol. Sa isang kamay niya, kapansin-pansin na siya ay nahihirapang dalhin ang isang bag at supot. Balot na balot ang sanggol ng lampin at balot din ang ulo ng ina ng panyo. may kasama rin siyang bata na sa tingin ko ay walong taong gulang, nakasumbrero ito at may pantaas na mas malaki sa kanya.
Tumayo ang dalawang estudyanteng marino sa at lumabas, kakabit na lang sa dyip.
“Ay, salamat mga nunuy, salamat na marhay!” Dali-daling inalalayan ng ina ang bata at pumasok na rin ang babae. Tinulungan naman ng konduktor na iangat ang mga gamit niya. Kawawang sanggol, sa ganitong oras ay dapat hindi na siya nakikipagsapalaran sa lamig at dilim ng gabi.
“Sige, larga!” umarangkada muli ang dyip ng mga Basco.
Tiningnan ko lang ang babaeng bagong sakay. Hindi siya mapakali, sige lang ang pagpapahele niya sa kanyang sanggol.
“Misis saan po kayo bababa?”
“Sa Paulog kami ser, sandali lang at kukunin ko ang pamasahe ko.”
Gamit ang isang kamay, kinuha niya ang kanyang pitaka sa loob ng kanyang bag na natagalan bago niya ito mahanap. Binuksan niya ang pitaka at sumilip-silip na para bang may hinahanap sa isang butas. Naglabas siya ng isang bente pesos at iniabot sa konduktor.
“Ay manay, kulang po ito!” kulang ka ng bente pa.”
“Ganoon po ba, sandali lang po ha.” Ang mukha ng babae ay hindi na maipinta. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang kaba, ang takot.
“A, e, ser, pagpasensyahan niyo na kami. Kulang kasi ang pera ko e. Bente lang ang pera ko sa pitaka.”
“Ay manay man! Dapat kung aalis kayo, siguraduhin niyo na tama ang pera niyo kapag aalis. Naku manay, nandito kami para mamasada, hindi manglibreng sakay! Bente pa manay! dapat nga may bayad pa yang anak niyo, o nakaupo pa yan!” Naging agresibo ang konduktor.
“Ser man, hindi ka man lang maawa sa amin, wala na talaga akong pera, o” iniabot ng babae ang pitaka niya sa konduktor para ipakita ito. Biglang umiyak ang sanggol.
“Naku, manay, anak-anak pa kayo, di niyo naman kayang buhayin! Pamasahe nga di mo makumpleto, e ang buhay pa kaya niyang anak mo! Sus ko po! O sige na, ano Bong, libre na ‘tong si manay mo?” Sigaw na tanong nang konduktor sa drayber. Tumango naman ito sabay iling na sa tingin ko ay iling ng pagkadismaya.
“Salamat po ser! Salamat salamat!” Tinahana niya ang kanyang umiiyak na anak, nilabas ang suso at pinadede. Pinunasan naman ng bata ang sipon niya gamit ang suot na sumbrero.
Nakatingin ang mga gising na mga pasahero sa babae.
Siguro, ang babaeng ito ay isang kahig-isang tuka, balo, mahirap pa sa aming kapitbahay na si Adelita na may limang anak. Siguro lima rin ang anak niya, nakatira sila sa gilid ng sakahan, tinagpi-tagping yero at plywood na gamit na, na may mukha ng isang pulitiko na ginamit sa pangangampanya noong nakaraang eleksyon. Banig ang kanilang tutulugan, banig na may mga punit at puno ng alikabok. May unan din sila, gawa sa mga pira-pirasong tela. Limang anak, ang tatlo ay ipinaampon sa kanyang mga kamag-anak at ngayon ay wala siyang balita tungkol sa mga ito. Ang pang-apat at ang bunso ang naiwan sa kanya, pero hirap pa rin siyang buhayin ito. Naglalabada siya sa mga kapitbahay, kasama ang kanyang sanggol at pang-apat. Swerte sila kung may libre silang tanghalian sa kanyang pinagsisilbihan. Isang daan ang sakanyang iniaabot matapos ang maghapong pagkakayuko at pagkuskos sa mga damit na di naman sa kanila. Isang daan na pambili niya ng isang lata ng sardinas, isang kilo ng bigas, isang supot ng uling, isang esperma, at isang katol dahil malamok tuwing gabi. Bibigyan ko siya ng pangalan, Adella.
Pitong minuto matapos ang alas diyes. Mabagal ang takbo ng dyip. Napatingin ako sa mag-inang namili sa LCC katabi ng matabang lalaki. Napangiti ako ng makita ko ang anak ng babae. Kamukha niya si Camille Prats na may bangs.
Siguro ang batang ito ay labing-apat na taong gulang. Ang ina naman ay mabait at mapagmahal na ina. Lahat gagawin para maprotektahan ang nag-iisang anak. Ang asawa niya ay nagtatrabaho sa
Nagpreno ang dyip. Dahan-dahang tumigil. Tumalon sa likuran nang dyip ang dalawang nakaangkas na estudyanteng nangangarap na maging marino.
Siguro ang dalawang estudyanteng yun ay magkaibigan. Magkababata sila; sabay silang nag-aral sa isang elementarya, naghayskul, at ngayon, pati ang pangarap nila ay pareho. Si Pedrico at James. Noong bata pa sila, ang paborito nilang laro ay pogs. Laging talo si James at inuuwi naman ni Pedrico ang tambak-tambak na pogs na mula kay James. Minsan iniimbitahan ni James si Pedrico na maghapunan sa kanilang bahay tuwing ang ulam ay pinritong manok. Paborito kasi ng magkaibigan ang fried chicken ni Gng. Joselinda, ang nanay ni James, guro sa isang mababang paaralan.
Napatingin ako sa guro na katabi ng mag-ina sa loob ng dyip, labintatlong minuto matapos ang alas diyes, nasa Malabog, Daraga na kami.
Si Gng. Joselinda ay isang guro sa Matematika. Isang mabuting ina, mapagmahal na asawa at masipag na guro. Siya ang nagtatayong haligi ng tahanan dahil ang kanyang asawa ay paralisado at hindi na kayang makapagtrabaho pa na dati’y isang marino. Doble sikap ngayon si Gng. Joselinda, habang nagtuturo ay gumagawa ito ng pastillas at yema at ibinebenta ito sa kanyang mga mag-aaral. Alam niyang bawal ito sa paaralan ngunit patago pa rin siyang nagbebenta nang mga matatamis na pagkain. Kulang kasi ang kanyang sweldong tatlong libo sa isang buwan. Ang matrikula pa lang ni James ay patay na sa kanyang sweldo. Minsan ay nangungutang siya sa mga malalapit na kaibigan, isa na dito si Jenny.
Humikab ako. Hindi pa nangangalahati ang byahe. May biglang nagpara- ang dalawang babaeng estudyanteng kanina pa nagdadaldalan.
Si Mika at Zenaida ay mga Agnesian. Lagi silang magkasama kapag uuwi na. Si Mika ay nililigawan ni Pedrico, si Zenaida naman ay nagkakagusto kay James. Si James, walang imik at tutok lang sa kanyang pag-aaral. Matagal nang nililigawan ni Pedrico si Mika, mag-lalabintatlong buwan na. Si Mika naman, walang balak sagutin si Pedrico dahil ayaw niya sa mga marino. Ang tatay niya kasi ay isang marino. Hiwalay ang kanyang magulang. Si Zenaida, buo ang pamilya, kapatid niya si Zandy, dalawampu’t tatlong taong gulang, nagtatrabaho sa isang bangko.
Napatingin ako sa babaeng sa palagay ko ay nagtatrabaho sa isang opisina.
Si Zandy ay tutok sa trabaho. Kung si Zenaida ay gusto nang magkaroon ng boypren, siya naman ay gustong tumanda ng dalaga. Hindi ko alam kung bakit. Pero, siguro ay nasaktan siya sa kanyang unang pag-ibig. Nakasuot siya ng salamin. Siguro ay mahilig siyang magbasa ng mga pocket books. Pero hindi siya nagpapaapekto sa kanyang binabasa. Ang alam niya lang kasi ay masasama ang mga lalake sa mundo maliban sa kanyang ama. Lagi silang nag-aaway ni Zenaida, dahil mas paborito ito ng kanyang ina. Si Zandy, siguro, ay kulang siya sa atensyon.
Humihilik ang matabang lalake. Hindi ko maiwasang mangiti.
Siguro galing siya sa isang kasalan. Tama! Kasal ng dating boypren ni Zandy, ang kaibigan niya noong kolehiyo. Siguro atat na atat na siyang matapos ang kasal kanina, kasi ang habol niya lang ay ang kainan. Lechon, Kaldereta, Menudo, Embutido, at apat na platong kanin ang kinain niya at Leche Flan na sobrang sarap. Ngayon, hindi pa rin siya natutunawan at nakatulog na sa sobrang kabusugan. Papangalanan ko siya- Herbert.
Siguro batugan si Herbert. Nakatira siya sa isang apartment. Wala siyang kasama. Wala ring trabaho. Umaasa pa rin siya sa kanyang magulang na nagtatrabaho sa Saudi. Ang kanyang ina, patay na. Nag-iisang anak kaya napalaki siya ng sobra-sobra. Hindi siya marunong maglinis nang bahay, maghugas ng pinggan at maglaba. Kaya ang ginagawa niya, pinapatawag niya si Adella sa tuwing kabundok na ng labada ang natipon sa kanyang mabahong kwarto. Isang araw, wala na siyang maisuot dahil lahat ito ay nasa labahan. Dali-dali niyang tinawag si Adella na kanyang kapitbahay. Iniwan ni Adella ang kanyang sanggol sa kapitbahay na kaibigan niya rin at kapwa kapos. “Tiya Adella, pakilabhan na lang po tong mga damit ko.” Pero walang sabong panlaba. Kailangang bumili sa tindahan. Pero tamad si Herbert. Ayaw niyang bumili ng sabon. Inutusan na lang niya ang pang-apat na anak ni Adella para bumili sa kabilang kalsada. “Ang bilhin mo, Surf ha, tapos bili ka na rin ng Downy at… sa’yo na rin ang sukli.” Tuwang-tuwa ang bata at dali-daling lumabas para bumili.
Biglang nagpreno ang dyip, nawala ako sa ginagawa kong kwento. Naggising ang katabi kong matandang lalaki.
“Bata! Bata!”
Papasok na kami sa Camalig nang naaksidenteng mabanggaan ng aming sinasakyang dyip ang isang batang tumawid. Bumaba ang ilan sa mga pasahero. Bumaba na rin ako para makiusisero. Nagkakagulo ang mga tao, nagsisigawan “Tumawag na ng ambulansya! Dali! Dali!” Lahat may kaba sa mga mukha. Mga ilang minuto pa ang lumipas, dumating na ang pulis at ang ambulansya.
Isinakay ang duguang bata sa ambulansya at dali-dali dinala sa pinakamalapit na ospital. Kung ano man ang nangyari sa bata ay hindi ko na alam. Siguro mabubuhay siya, siguro, magiging paralisado, siguro mamamatay.
Tinawag ng pulis ang drayber at ang kunduktor.
“Biglang tumawid ang bata ser! Aksidente po ang nangyari!” sambit ng konduktor na siguro’y wala naman talagang nakita sa totoong nangyari dahil nasa likuran siya ng mga panahong iyon.
Patuloy pa rin nagpapaliwanag ang dalawa sa pulis. Maya-maya, may dyip na dumating.
“Oh last trip sakay na, sakay na!” lumipat kami mula sa sinabing last trip na byahe papunta sa, siguro, ay last trip din na byahe. Demonyo talaga ang konduktor na yun.
Lumingon-lingon ako sa loob. Nakatingin sakin ang lahat ng pasahero. Puno ang dyip. Ngunit wala akong ibang pagpipilian kundi sumakay at makipagsiksikan. Last trip na raw e. Bawat dinadaanan kong pasahero ay napapalingon sa akin. Hindi ko maanigan ang ilang reaksyon. Nakaupo ako sa kalagitnaan. Ang mga kasama kong transfer ay hindi pa rin makalimutan ang nangyaring aksidente. Dahan-dahang umandar ang dyip. Napatingin ako sa aking relo at labing-limang minuto matapos mag-alas diyes y media ng gabi ang pilit na ipinapakita nito. Mahaba-haba pa ang byahe, siguro. Isang bayan na lang bago ako makarating sa aking tahanan.
Nagmasid-masid ako sa loob ng dyip... may mga bagong mukha.
No comments:
Post a Comment